Mga alas kwatro ng hapon nang maisipan kong mamasyal ng pier, ang usual na pinupuntahan ko kapag gusto kong magrelax, unwind dahil sa kung anong bumabagabag, pressures, isipin sa trabaho, problema sa kung anu-ano. Isa yun sa mga lugar na paborito kong puntahan, kahit nung College pa lang ako. Dun kasi, masasarap ang mga barbecueng manok, kamayan ang kainan, ang cottages ay gawa ng nipa at kawayan, at napaka presko ang hangin. At ang pamatay sa lahat, ang lugar mismo na tila nakalutang sa dagat.
Kapag ganung oras ng hapon, ang trip ko palagi ay ang panoorin ang paglubog ng araw. Ewan, siguro may pagka sentimental lang akong tao pero halos lahat na ng gusto ko sa kalikasan ay nandun na. Doon, nakakapag relax ako, nakakapagmumuni-muni, sinasariwa ang mga bagay-bagay na may sentimental value, at kapag gusto kong kumanta, may videoke at syempre, hindi mawawala ang beer. Tawag namin sa lugar na iyon ay “pantalan”.
June 3, unang bakasyon ko iyon simula nung makapag abroad ng Saudi. Kaya, sobrang na-miss ko ang lugar at excited akong makabalik dun at magawa muli ang mga nakasanayan na hindi ko na nagagawa sa isang taon ko ding pagkawala.
“Norman, punta tayo sa ‘pantalan!” pag anyaya ko sa pamangking halos ka-edad ko lang.
“Sige Tiyo, ilabas ko lang ang tricycle ko...”
Sa bakasyon ko na iyon, kinontrata ko si Norman na syang mag-serbisyo kung saan ko man masumpungang magpunta.
Si Norman ay isa sa mga pamangkin kong sobrang close sa akin dahil siguro sa lapit ng edad namin at dahil sa youngest ako sa family, parang younger brother na ang turing ko sa kanya. Mga problema namin sa family, kami ang nagsi-share at nagkakampihan. At ang hindi ko malilimutang buhay na buhay pa sa isipan ko ay ang sinabi nyag, “Ayaw kong matulad sa tatay kong lasenggero, iresponsable at basagulero. Ayaw kong danasin ng magiging mga anak ko ang hirap na naranasan ko...” Parang iyon din ang naging komon naming adhikain sa buhay.
Ngunit nung pagkatapos pa lang nya ng high school pinaluwas na sya kaagad ng Maynila upang magtrabaho at makatulong sa mga pangangailangan ng pamilya. Sa murang edad, napasubo na sa mabibigat na trabaho sa kadahilanang wala ngang hanapbuhay ang mga magulang. Kaya, bilang panganay, napilitan syang pasanin ang responsibilida na sanay nakasalalay pa sa mga magulang nya. Sobrang awa ko sa pamangkin na iyon at naipangako ko sa sarili na anu man ang mangyari, hinding-hindi ko sya pababayaan.
Nung gumraduate ako ng College at makapagtrabaho, kinumbinsi ko ang mama nya na pabalikin na sya sa probinsya at ipagpatuloy ang pag-aaral. Ayaw sana ng tatay nya ngunit iginiit ko na wala silang intindihin sa gastusin. Kaya, maliit man ang sweldo, kinaya kong papag-aralin sya.
Ngunit may mga kundisyon ang pagpapaaral kong iyon. Una, wag muna syang mag-asawa hanggang hindi makatapos ng pag-aaral at kung mag-asawa man, dapat nauuna ako, kung hindi man kami sabay. Pangalawa, kapag nakapag trabahao na sya, sya naman itong magpapaaral sa sunod na panganay nyang kapatid.
Ngunit, hindi natupad ni Norman ang mga kasunduang iyon. First year college pa lang sya sa kursong Commerce nung mabuntis nya ang kasintahan at napilitang pakasalan ito.
Sobrang sama ng loob ko s ginawa nya. Ni halos hindi na nga ako nakapagbigay ng pera sa mga magulang ko dahil sa kanya, ni sarili hindi ko mabigyan ng luho tapos heto, nag-asawa na lang bigla. Dahil dun, hindi ko na sya tinulungan pa sa pag-aaral. Kaya, hindi nya na natapos ang pag aaral at upang mabuhay ang sarili, at ang sarili na ring pamilya, pagda-drive ng tricyle ang naging hanapbuhay.
May dala ring negatibong epekto sa akin ang ginawa ni Norman sa paglabag sa kasunduan namin. Di ko maintindihan kung magagalit o mahahabag sa sarili. Ngunit kahit papano, hindi ako nagpatalo. Sa kalaunan, nanaig pa rin ang positibong dulot ng pagtulong ko sa kanya. Napag-isip isip ko na sa ginawa kong iyon, hindi nawala ang respeto nya sa akin, ang pagmamahal bilang Tiyo nya. “At least, hindi nya na ako masisisi pa dahil alam nyang ginawa ko ang lahat... at yun na ang pinakahuli kong pagtulong sa kanya. Sariling kaligayahan ko naman ang pagtutuunan ko ng pansin.” ang nasabi ko nalang sa sarili.
Yan ang kwento ng buhay ni Norman.
Mga alas kwatro y media nung makarating na kami ng “pantalan”. Nung makahanap na ng pwesto sa loob ng kainan, umurder kaagad ako ng barbeque at apat na bote ng beer. Kumain kami, nag-inuman. Walang katao-tao ang kainan sa oras na iyon kaya napaka tahimik at relaxed ng ambiance.
Mejo tumalab na ang alkohol sa katawan ko nung ang usapan namin ni Norman ay mabaling sa hanapbuhay niya.
“Mahirap na ngayon ang pagda-drive ng tricycle dito sa atin Tiyo, madaming ka-kumpetensya at halos lugi na sa tax at maintenance ng sasakyan. Buti nga, pag-aari ng byenan ko itong motorsiklo ko kaya naiintindihan niya kapag hindi ako nakapagbigay ng boundary...” ang paliwanang nya.
“Ano ang plano mo ngayon?”
“Ewan ko ba, di ko alam.” sagot naman nyang halos di makatingin sa akin. “Salamat pala Tiyo sa pagtulong mo sa mga bayaran namin sa ospital nung ma-caesarean ang asawa ko. Kung hindi dahil sa iyo, di ko na alam kung saan maghahanap ng perang pambayad sa ospital. Ngayon na-realize ko ang sobrang kabaitan mo. Kahit ganun ang mga ginawa ko, nanjan ka pa rin, sumusuporta sa akin. Di ko alam pano kita mababayaran sa mga nagawa mo sa akin...” at tuluyan na syang humagulgol.
“Ahhhh! Heto na naman tayo, drama. Wag mo nang pansinin yun. Gusto ko lang namang makatulong sa iyo dahil nasasayangan talaga ako sa talino at sipag mo e. Di ba kahit kailan, tayong dalawa na ang magkasundo at magkakampi? At ang isa sa mga ipinangako natin sa sarili ay na sana wag maging katulad sa tatay mo na iresponsable. Yun ang adhikain natin sa buhay, diba? Ikaw pa nga ang nagsabi na balang araw, maipakita mo rin sa tatay mo na makapagtapos ka ng pag-aaral; na maging kasilbi-silbi ang buhay mo, hindi kagaya nya. At sinabi mo rin na ayaw mong maranasan ng magiging mga anak mo ang naranasan mo sa tatay mo...”
“Yun na nga Tiyo e. Hiyang-hiya ako sa sarili ko, at sa iyo. Wala na talaga akong pag-asa Tiyo... siguro, hanggang ganito na lang ang buhay ko. Siguro kung natapos ko lang ang kurso ko, hindi sa ganitong trabaho ako hahantong...”
Parang dinurog ang puso ko sa narinig sa pamangkin ko. Gustuhin ko mang mag offer na tustusan ang pagpapatuloy ng pag-aaral nya, sariwa pa rin sa isip ko ang ginawa nyang paglabag sa kasunduan namin. At nakapagdesisyon na akong hindi na ako tutulong pa kung pag-aaral nya ang pag-uusapan.
Tinapik ko na lang ang balikat nya, “May pag-asa pa, Norman...”
“Ewan ko ba Tiyo. Parang wala na eh. Parang napakalaki ng galit ko sa mundo, at sa itaas. Simula pa lang ng pagkabata ko puro na lang pasakit at paghihirap ang naranasan, mabibigat na trabaho. Halos hindi makakain sa isang araw... Hanggang ngayon, heto, naghihirap pa rin ako. At ang kinatatakutan ko, ang magiging kinabukasan ng anak ko. Ayaw kong maranasan nya ang naranasan ko.” sabay bitiw na malalim na buntong-hininga.
“Di ba sabi nila, habang may buhay, may pag-asa?”
“Sinabi lang yan ng mga taong maganda na ang disposisyon sa buhay Tiyo. Pero ako, ewan kung darating pa ako sa puntong masasabi ko iyan.”
Hindi ko alam kung paano sagutin si Norman sa katanungan niyang iyon. “Determinasyon, disiplina, at paniniwalang maabot mo ang pangarap mo. Baka isang araw, darating din sa iyo ang isang oportunidad...” ang nasabi ko na lang.
“Sana” at pinakawalan nya ang isang ngiting-pilit. “Kanta na lang tayo Tiyo!” paglihis nya sa seryosong usapan.
Dahil walang ibang kumakanta, kaming dalawa lang ang papalit-palit ng pagkanta. Maya-maya, may pumasok na dalawang tao, ang isa ay akay-akay nung pangalawa. Napagtanto ko na bulag iyong isa. Nasa mga mahigit bente pa lang siguro ang edad nila, marurummi at gusgusin ang damit, at kung titingnang maigi ang mga postura, halos taong grasa na silang masasabi.
Nagtinginan kami ni Norman. Maya-maya, napansin kong umurder sila ng isang boteng red horse at hinati nila iyon. Alam ko, kapus sila sa pera ngunit ang hindi ko maindintindihan ay kung bakit doon pa sila pumasok sa kainan na iyon na mejo may kamahalan ang beer. Nung kumuha na ng songbook ang kasama nung bulag, dun ko naisip na baka videoke lang ang pakay nila kaya doon sila pumasok.
Ang buong akala ko, yung hindi bulag ang kakanta dahil sa videoke, kailangang tingnan ang lyrics. Ngunit laking gulat ko nung tumugtog na at ang humawak ng mikropono ay ang bulag. Magaling syang kumanta. Kuhang-kuha ang timing, buong-buo ang boses, at may sariling estilo. Pansin ko rin ang sayang ipinamalas nya sa pagkanta na tila umaantig sa puso ko. Hindi namin mapigilan ni Norman ang humanga at ang pumalakpak sa sobrang husay ng pagkanta nya. “Ah grabe! Mapapahiya ang hindi bulag dito!” sabi ko kay Norman.
Pagkatapos ng kanta, tawanan ang dalawa. Tila napakasaya nila sa simpleng bagay na nakakanta sila at nakainom ng beer, hindi alintana ang mga taong nakapaligid, kung ano ang sasabihin at sa kabila pa ng kanilang katayuan.
Dahil sa pagka-amaze ko sa kanila, nagtanong ako sa waitress kung kilala niya ba ang dalawa. “Ay, nagpupunta po yan sila dito minsan. Yung bulag, si Dino at yung taga-akay nya ay si Bogart. Birthday po ni Dino ngayon kaya sila nandito. Alam nyo po, taga-repair ng sapatos yang si Dino. Kahit bulag yan napakagaling. Si Bogart naman po ay driver ng potpot*. Matalik na magkaibigan ang mga yan...”
Tila may sumundot sa puso ko sa narinig, di malaman kung ano yun. “Ganun ba?” ang sagot ko nalang.
Nakailang kanta din si Dino nung maisipan kong umuwi na. Nung ibinigay na ang chit sa akin, nilingon ko ang dalawa. Napansin kong ubos na ang beer nila ngunit parang nagsisimula pa lang sila sa kanilang kasayahan.
“Ah, miss, paki-dagdag na rin dito ang 6 na bote ng beer, isang buong grilled chicken, squid at isda, pancit... at samahan mo na rin ng kanin.”
“Take out nyo po ba, sir?” tanong ng waitress.
“Hindi... Paki-bigay sa kanila” sabay turo ko sa dalawa. “Pakisabi kay Dino, Happy Birthday!”
Palabas na kami nung paunang inabot na ng waitress ang 6 na beer sa table nila. Kitang kita ko sa mukha nung dalawa ang labis na pagkagulat. Nung ibinulong na ng waitress ang birthday greeting ko kay Dino, kumaway sya sa direksyon namin, at nagsalita sa mikropono, “Sir Mike, salamat po sa inyo. Pinasaya mo po ako ng labis sa birthday ko!” at parang nakikinita kong may luhang dumaloy sa pisngi nya. “Maraming salamat po sa inyo!” dugtong nyang halos mag crack ang boses.
Lumapit ako sa kinaroroonan nila, kinamayan si Dino at pagkatapos, si Bogart, at nagpaalam na. Gusto pa sana ng dalawa na mag stay kami ngunit nagpumilit akong umalis. Ayaw kong mababahiran ng pagkakahiyaan at pangingimian ang selebrasyon ng dalawa. Ngunit bago ako umalis, nagrequest pa ako ng isang kanta na tinapos ko namang pakinggan.
“This song is dedicated to my new friend, Mr. Michael Juha... at sa pamangkin nyang si Mr. Norman” ang pambungad na inanounce ni Dino sa mikropono, at nagsimula ng kumanta. “We dreamers have our ways, of facing rainy days, and somehow we survive. We keep the feelings warm; protect them from the storm... And when one day the sun appears; and we keep shining through those lonely years.... I made it through the rain, I kept my world protected, I made it through the rain...”
Makahulugan ang kantang inihandog ni Dino sa akin. Para akong maluha-luhang naiisip silang magkaibigan at ang koneksyon ng kanta. Naitanong ko tuloy sa sarili, “Ang nilalaman ba nitong kanta ay ang syang nagpapatibay sa kanya upang harapin ang mga hamon at pagsubok sa buhay at sa kabila ng lahat, maging maligaya at positibo pa rin ang pananaw?” Ngunit ang tanong na iyon ay hanggang sa isip ko na lamang.
Pagkatapos ng kanta, umalis kami. Di ko mawari kung bakit parang gumaan ang pakiramdam ko. Ang alam ko lang ay may natutunan akong mga mahalagang bagay sa tagpong iyon.
Habang umaandar ang sidecar ni Norman pabalik ng bahay, pareho kaming walang imikan. Sa isip ko naglalaro pa rin ang kasayahan ng dalawang magkaibigan. Sa kabila ng lahat ng kahirapan at kapansanan nila, hindi alintana ang lahat. Bagkus, naipakita nila ang simpleng bagay na nakapagdulot ng ibayong kaligayahan; na tila wala na silang pweding mahihiling pa sa buhay. Parang sobrang hiya ang nadarama ko sa sarili. Habang kumikita ako ng dolyar, tila kabaligtaran ang nadarama ko – walang maramdamang kasiyahan, palaging naghahanap, palaging may kulang...
Ewan kung ang mga tanong na iyon na naglalaro sa isipan ko ay sya ring mga tanong na naglalaro sa isip ni Norman. Hindi ko na inalam pa. Ang nasambit ko nalang sa kanya ay, “Man, natapos mo ba ang first year college mo sa kursong kumersyo?”
“Opo Tiyo, bakit?”
“Libre ka ba bukas?”
“Libre naman... bakit po?”
“Magpa enroll ka bukas, ituloy mo ang pag-aaral ng college, ok lang ba?”
Halos hindi magkandaugaga sa pag drive si Norman sa sobrang tuwa sa narinig. Hindi na magawang sumagot pa ni Nporman. Nung lingonin ko sya, pinapahid nya ang mga luhang dumaloy sa pisngi.
Nakapagpatuloy nga si Norman sa pag-aaral at sa darating na Marso na ang kanyang graduation. Hindi man ako makadalo, alam ko na masaya sya at di na malayong maabot nya ang kanyang pangarap.
Ngunit may isang bagay na madadatnan ko pa rin sa darating kong bakasyon – ang pantalan. Ang lugar kung saan nabuksan ang isipan ko sa pagpapahalaga at pagpapasalamat sa mga bagaybagay na nasa akin na; kung saan ko natutunan na dapat maging kontento at masaya sa mga simpleng bagay sa kabila ng lahat.
Ngayong June 3, hindi ako papalya sa pagpunta doon. Sana doon pa rin si dino magbibirthday, magbigay ng saya, ng kanta, at halimbawa sa buhay...
Wakas.
-----------------------
* Tricycle na de-padyak, isang klaseng pampublikong sasakyan sa lugar namin.
your my inspiration Mike hahaha..... di nga lang sa pagsusulat at wala akong talent dun... hehehe...
ReplyDeleteLuv reading your stories.... tagusan.....wehhhhhhh