Thursday, January 6, 2011

Hiwaga Ng Buhay


Nitong bago mag 2011 new year, isang nakaka-antig sa pusong drama ang naranasan ng aking pamilya. Ito ay ang pagkakaroon muli ng kontak namin sa dalawa kong mga lalaking pamangkin na mahigit 30 taon nang nawala.

Malilit pa lang ang mga pamangkin kong iyon noong umalis sila sa bayan namin. Sa simula, isang normal ang pamilya nila. Bagamat mahirap lang ngunit nakakaraos naman sila at damang-dama ng pamilya nila ang pagmamahal ng kaniang mga magulang sa kanila.

Subalit, sa pagdaan ng ilang taon, nagbago ang lahat. Nalulong sa bisyo ang kaptid kong lalaki na tatay nila at dahil dito, madalas na nag-aaway ang mag-asawa.

Noong una, itinuturing lang naming magiging ok din ang lahat. Subalit naging patindi nang patindi ang pag-aaway nila at ang masaklap, naging barumbado pa ang aking kapatid na lalaki. Nasaksihan ko kung gaano katindi ng mga pahirap na dinanas ng magkapatid na pamangkin ko. Palagi silang iniiwanan ng ina nila dahil sa trabaho samantalang sa bahay ay inaabuso naman at minamaltrato sila ng sarili pa nilang ama.

Hanggang sa hindi na nakatiis ang kanilang ina at nilayasan nila ang kanilang ama, ang aking kapatid. Wala kaming nagawa kundi ang tanggapin ang desisyon ng mag-ina kasi, alam namin kung gaano katindi ang hirap na dinanas nila sa kamay ng aking kapatid.

Sa araw ng kanilang paglisan, ibayong lungkot ang aking nadarama. Hindi ko maiwasang hindi mapaluha habang pinagmasdan ko silang naglakad patungong terminal bitbit ang kanilang mga gamit...

Iyon ang huli kong pagkakita sa kanila.

Lumipas ang ilang taon. May narinig kaming mga sabi-sabi na nagkapag-asawa daw ng Amerikano ang asawa ng aking kapatid. May lungkot din akong nadarama kasi, tuluyan nang mawalay ang mga pamangkin ko bagamat natuwa din ako dahil maaaring umangat na ang pamumuhay ng aking mga pamangkin o kaya ay makapunta sila ng Amerika.

Noong mauso na ang internet, hinanap ko sila. Ngunit wala akong mahanap na kasing kapangalan nila. Dahil unique ang apelyido namin, madaling mahanap ito. Ngunit wala. Parang nawalan na rin ako ng pag-asa.

Ngunit nitong may isang linggo bago mag newyear 2011, nabulaga ako noong may nag-add sa akin sa facebook na kaapelyido ko. Parang naghahanap din ng mga kaapelyido. Bagamat di na ako nagtaka sa kanyang hangarin na makahanap ng iba pang mga kaapelyido, kasi nga ay kakaunti lang ang kaapelyido namin ngunit tuwang-tuwa pa rin ako dahil may nakita akong kaapeyido ko sa facebook.

Imagine kasi, tatlo na lang kaming ganoon ang apelyido sa buong probinsya o rehiyon namin. Ako at ang dalawa kong mga anak. At kapag nag-asawa na iyong anak kong babae, dalawa na lang kaming matitira – ako at ang anak kong lalaki.

Anyway, simula noong magpost ako ng message sa wall ko sa fb, may mga kaapelyido ring nagcomment. At tuwang-tuwa sila dahil sila rin, ang buong akala ay nag-iisa sila sa mundo...

Ngunit doon nanindig ang aking balahibo noong may isang hindi ko inaasahang comment na galing sa pamangkin kong hinahanap mismo! Hindi sa akin inaddress ang message niya kundi sa isang kaapelyido namin na nagcomment din sa wall ko. Hindi niya kasi alam na ako iyon dahil iba ang nickname na ginamit ko. Ngunit alam kong siya iyon dahil ganito ang pagkasulat niya ng kanyang message, “Taga-saan ka ba Dom? Ako ay taga Leyte at ang tatay ko ay si A**** Jalapan.”

Grabe. Hindi ko maiwasang hindi tumulo ang mga luha ko sa nabasang mensahe...

Agad-agad akong nag-message sa pamangkin ko. Ibinigay ko ang aking cp number. Ngunit ang kakabit na mensaheng ibinigay ko ay ang isang napakasakit na balita na ako man ay napaiyak habang isiniwalat ko ito, “Masaya sana ako na nakita na kita. Subalit mukhang huli na yata dahil patay na ang itay mo, noong Abril ng 2010 lang. At matagal na niya kayong hinahanap...”

Sa pang-apat na araw nakatanggap ako ng text galing sa pamangkin ko. Nabasa na daw niya ang aking mensahe sa fb. Tinawagan ko kaagad siya. Umiiyak. Masaya daw sana siya dahil sa wakas, may kontak na uli kami. Ngunit napakalungkot naman na balita ang sumalubong sa kanya.

Napaiyak na rin ako sa pag-uusap naming iyon. Nasa General Santos City pala sila at totoong nakapag-asawa ng Amerikano ang kanilang ina. Ang masaklap, iniwanan din pala sila nito at wala na ring komunikasyon. Para daw silang pinagtaksilan ng tadhana. Inilayo na nga sila sa kanilang tatay, iniwanan pa ng kanilang nanay.

Nalaman ko ring may mga asawa na ang magkapatid at marami na ring mga anak. Mga Jalapan, syempre. “Marami ka nang apo tiyo! Marami na ring mga Jalapan!” ang sabi sa niya sa akin na nagpangiti sa akin.

Nakisuyo din siya na kung maaari ay tulungan ko silang magkapatid na makadalaw sa puntod ng kanilang ama at makita ang kanilang iba pang mga pinsan at kamag-anak. Agad ko naman itong sinang-ayunan at pinadalhan ko kaagad ng pera kinabukasan.

Kanina, nakaalis na ang dalawa patungong Leyte, kasama ang kanilang nga asawa. Baon-baon ang kasabikan na masilayang muli ang lugar kung saan sa maikling panahon ay naranasan nila ang pagmamahal ng mga magulang, muli nilang tatahakin ang landas na pinagmulan ng kanilang buhay.

Hindi ko alam kung ano ang magiging eksena pagdating nila sa mismong lugar. Alam ko, may yakapan, may tawanan sa terminal pa lamang. Ngunit sigurado akong may iyakan ding magaganap - sa harap ng puntod ng yumao nilang ama.

Sadyang napakahiwaga talaga ng buhay. Minsan, hindi natin lubos na naiintindihan ang mga bagay-bagay at mga pangyayari; kung bakit kailangang danasin ang hirap; kung bakit kailangang may aalis at may iiwanan; at kung bakit minsan, ang mahal na taong babalikan ay nasa isang puntod na lamang...

-End-